Kaibigan kong tunay
- Anya Mynorka Ileto
- Dec 2, 2016
- 1 min read
Nais ko sanang magpasalamat sa'yo aking matalik na kaibigan,
sa mga kwentong ating napag-usapan at panahong pinagsamahan.
Magkalayo man tayo at hindi nagkikita sa loob ng maraming buwan,
nariyan ka't handang ibigay ang iyong oras ng walang alinlangan.
Nais ko sanang magpasalamat sa'yo aking matalik na kaibigan,
sa mga oras na walang-wala ako, ikaw ay isa sa aking matatakbuhan.
Batid kong hindi ako naging perpekto at may nagawang kamalian,
hindi iyon naging hadlang para tanggapin mo ang aking kapatawaran.
Nais ko sanang magpasalamat sa'yo aking matalik na kaibigan,
sa mga problemang dumating, ikaw ay aking naging sandalan.
Tila napakadaling lumipas ang mga araw na ating pinagsaluhan,
alaala ko pa'y sariwa sa lahat ng kalungkutan at kasiyahan.
Nais ko sanang magpasalamat sa'yo aking matalik na kaibigan,
Sa mga pangarap na inaasam ay alam kong ating makakamtan.
Buong buhay kong isasa-isip ang bawat salitang iyong binitawan,
lahat ito'y nagsisilbing mga parangal para sa aking kabutihan.
Aking matalik at tunay na kaibigan, ikaw ay nais kong pasalamatan,
sa mga kinabukasan na hawak-kamay at sabay nating mararanasan.
Walang makakatapat at walang makakatalo sa ating pagkakaibigan,
lagi mong tandaan na ika'y mahal ko, isasapuso ko magpakailanman.
Comments